Hanggang Sa Muli

Ito na marahil ang unang post na ginamitan ko ng diskursong Tagalog; ngunit hindi ito ang nag-iisang post na gagamitan ko ng puso. Gusto kong maiba naman ang atakeng aking gagamitin upang maipahayag ang bugso ng aking damdamin. Sumusulat tayo hindi dahil inutos, hindi dahil pinilit, at higit sa lahat… hindi dahil upang magmalaki.

Ako ay isang manunulat hindi lamang dahil ito ang napili kong trabaho, kundi dahil ito ang aking buhay.

Naaalala ko pa ang mga lumipas na taon kung kailan ko ginugol ang aking kabataan bilang isang indibidwal na sanay na mag-isa at nabubuhay nang hindi humihingi ng kahit anong panahon mula sa kanyang mga kasama. Masaya ako dahil akala ko ay malaya ako sa ganoong sistema. Sa pagdaan ng ilan pang mga kabanata, aking napagtanto na may kulang pala. Bagamat hindi sa aking pagkatao, may kulang pala.

Ano ba ang kulang? Gaano ito katimbang upang magdulot ng epekto sa akin? Hindi ko kayang sagutin. Ako ay namamangha sa kung paano nga ba pinahihintulutan ng pagkakataon ang bawat pagbabagong maaaring maganap sa loob ng pahinang bumubuo sa nobelang alam kong akin.

Noon, sumusulat ako sapagkat kaya kong gumuhit ng sariling mundo. Ngayon, pakiramdam ko’y unti-unting nagbabalik ang bawat teksto na aking nailarawan. Mayroong parte ng aking pagkatao ang natatakot sa posibilidad na magkakatotoo ang bawat detalye. Labis na nakabibighani ang pagsasakatuparan ng pangarap na dati’y binibigkas lamang. Natatakot ako. Natatakot ako sapagkat hindi ko akalaing ang daigdig na pinaliit ng aking imahinasyon ay isang bulgar na pelikulang nagdidiiin sa bawat eksenang makatotohanan.

Magulo. Tulad ng aking kwarto kapag hell week, tulad ng aking buhok sa tugatog ng mahanging bundok, tulad ng aking malikot na pag-iisip. Maingay, tulad ng pagtibok ng aking puso sa tuwing maririnig ang yapak ng papalapit na banta sa aking propesyong napili. Malungkot, tulad ng pinaghalong init at lamig na patuloy na uusig sa aking konsensya kung ako ba ay nagkaroon ng silbi sa araw man o sa gabi. Mapanlinlang, tulad ng mga markang akala ko ay papasa dahil sa puyat at pagod na inabot. Mapanghusga, tulad ng bintang na ibabato habang patuloy kong tinatanong sa sarili, “Sapat ba ito?” Alam kong hindi. Hindi, kailanman, ako naging kontento.

Lahat na yata ng sakripisyo ay aking naranasan makarating lang sa inaasam na paraiso. Mabilis. Matagal. Madaming tukso. Ang paglalakbay pala na ito ay hango sa postura ng impyerno. “Sige, ituloy mo”, ang palagi kong sinasambit. Imbis na magsawa, kailangan kong masanay. Malupit ang hagupit ng bawat latigong katumbas ng pagkatalo. Mabangis ang mga naghihiyawang boses, nakabibinging katahimikan, at nagpupumiglas na kaluluwang nais kumawala sa rehas na nagkukulong sa kung anuman ang sigaw ng karakter na binuhay ng nag-aalab na apoy ng pakikidigma.

Malalim. Ang pinaghulugan ng aking ipinaglalaban, ang mga salitang akala mo hindi maiintindihan, ang pares ng matang nakikiusap sa paglabas ng katotohanan, ang sugat na dulot ng digmaan, ang hukay na nag-aabang. Isang maling galaw at “patay ka!”.

Mayroon pa ba akong dapat katakutan? Nasindak nang paulit-ulit, isang ritmong sumusunod sa musika ng daigdig. Mayroon pa ba akong dapat pagdudahan? Nasilaw sa makulay na palabas, isa palang pagtatanghal ng masasayang payasong sa likod ng entablado’y may mga luhang nakalulunod. Mayroon pa ba akong dapat sukuan? Nasaktan ng matatalim na sandatang ibinabato ng hindi naman lubusang kilala… sino ba sila? Ano ang ginagampanan ng mga elementong ito upang magpadala na lang ang sinuman sa agos ng walang patutunguhan? Hindi dapat. Hindi dapat sagutin ang mga tanong na wala namang kwenta – walang kwenta sapagkat nakasuot sila ng maskara. Hindi pala talaga ako nagtatanong kundi umiiwas. Duwag! Walang silbi ang umiwas sa responsibilidad na dapat ay pinagsisikapang tuparin.

Walang tigil akong pumipindot sa pagtipa ng aking keyboard dahil umaasa akong may mararating ang artikulong sinimulan kong kausapin. Ayaw nitong matapos. Ayaw ko rin, ngunit kailangan na.

Kailangan ko ng bumangon mula sa lugmok na istilo ng pakikibaka. Hanggang dito na lang muna. Sana bukas ay may mapatunayan na.

Hanggang sa muli.

Advertisements
Categories: Uncategorized | Tags: , , , , , , , , , | Leave a comment

Post navigation

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Blog at WordPress.com.

%d bloggers like this: