Posts Tagged With: individual

Marahil Mahalaga Ka

Hindi isang routine ang buhay. Kung labag sa loob mo ang linyang kasasabi ko lang, baka nga nabubuhay ka sa routine; pero hindi pa rin ito ang buhay. Pakiramdam ko kasi’y walang halaga ang paulit-ulit at nakakasawang sistema. Kaya nga siguro maraming nalilito maging iyong mga kabilang sa masang sumisigaw ng pagbabago.

Hindi nawawala ang pagbabago. Patuloy ito sa pagpuksa ng nakakairitang plaka na tila ba isinusumbat sa’yo na hindi ka makaintindi. Kahit na maintindihan mo, iiwan ka rin naman ng lumang istilong tinangay ng panahon. Lahat naman kasi ay pansamantala. Walang forever ba ang nasa utak mo? Tigilan mo ako.

Hindi nakukulong sa ilang pahinang depinisyon ang salitang maaaring bitiwan ng isang tao. Ang punto ko lang naman, bakit pa kailangang pag-aksayahan ng oras ang mga bagay na hindi naman pala sigurado? Oo punto ang tawag sa pangungusap na ‘yan bagamat nagtapos sa tandang-pananong. Ayoko naman na sagutin mo ako ng hinulaan mong parirala o ‘di kaya’y ninakaw na talata mula sa katha ng iba. Ang gusto ko ay unawain mo.

Unawain mong hangga’t may pagbabago ay may pagkakaiba. Unawain mong ikaw ay hindi tulad nila. Unawain mong ikaw ay may kakaibang hina at sigla. Ikaw ay may sariling halaga.

What completes me, breaks me in the process sabi ko. Paano? Alam ko kasing hindi madali na gumising na lang isang araw na okay ang lahat. Walang okay lang, sarkastiko. Nangangarap tayo. Ang pangarap kasi ay hindi lugar na magagawa mong pasyalan kung kailan mo gusto. Hindi ito laruan na itatapon mo sa nilalangaw na tambak ng basura kapag pinagsawaan. Ito ay paglalakbay. Nariyan na tamarin kang lumakad sa kung anumang dahilan. Nariyan na ma-excite ka, tumakbo, ayun nadapa. Nariyan na sasabihin mong ayaw ko na pero ang kailangan mo lang pala ay ang magpahinga. Mabuti nga at nabigyan ka ng pagkakataong magkaroon ng sarili mong lakbay. Nakakahiya naman sa ibang nilumpo ng nanggigipit na kalupitang kaakibat ng buhay. Itong hiya na ito ang nagpakapal ng mukha ko. Ang kahinaan ng iba ang ginawa kong sigla. Tila ba itinuring kong makina ang aking sarili upang magtrabaho hindi para sa sarili kong kapakanan; kundi para sa ikabubuti ng nakararami. Corny? Bahala ka. Para sa akin, isa itong sentimental na pangakong kailanman ay hindi ko iwawaksi. Kaya nga ganito ko na lang ipahayag kung gaano ako nasasaktan habang binabaybay ang peligrosong daan tungo sa kinabukasang siguro naman ay may hitik na bunga ng ating pinagsisikapang ipunla.

Madami akong isyu sa buhay. Halos lahat ng detalye ay iniintindi ko hangga’t mamaya, wala na pala akong oras para intindihin naman ang sarili. Alam kong ito’y mali. Anong klaseng pagpapahalaga ba ang maibibigay ng isang tao kung wala siya nito? Hayaan mong hanapin ko ang sagot mula sa mabangis na mundong kinabibilangan ng aking anino. Nakalahad ang palad ng naghihikahos na pulubing hindi mo alam kung kailan pa huling nagkaroon ng laman ang tiyan. Nakatulala ang manggagawang lugmok sa trabaho umulan man o umaraw na nadaya na pala sa kwentahan ng sahod. Nakapanlalambot ang istorya nila at ng iba pang mga kasama… silang mga biktima ng pang-aabuso ng dayuhan o ng kapwa Pilipino. Hindi mabibilang ang mga mensaheng nais iparating ng mga kaganapang hindi malutas. Nasa loob pa pala tayo ng giyerang ginagamitan ng basyo ng balang tumupok na pala sa napakarami nating mga kawal. Anong silbi ng ipinaglalaban nating mga aktibista kung patuloy palang nagaganap ang iba’t ibang uri ng karahasan sa paligid? Isang routine na paulit-ulit tumatatak sa nakapaninibughong kasaysayan ng pinaghalong tamis at pait. Isyu ko pa rin na hindi tayo malaya.

Ikaw, na bumabasa nito, ay mahalaga. Pinili kita kaysa iba. Pinipili kita higit sa anumang luho. Pipiliin kita sa aking pag-iisa, sa tuwing ako ay may kasama, kapag ay ako ay pagod, kapag ako ay inaantok, kapag ako ay nalulungkot, kapag ako ay natutuksong itigil na tingnan kita bilang mahalaga.

Sumusulat ako hindi mula sa ideolohiyang ipinipilit sa akin. Sinusulatan kita dahil marahil mahalaga ka.

Categories: Uncategorized | Tags: , , , , , , , , , , , , , , , , , , | Leave a comment

Blog at WordPress.com.