Posts Tagged With: listeners

Broken-hearted ako.

…kasi hindi nagkatuluyan ang mga karakter na binuhay ko sa ginagawa kong kwento.

Nakakaasar dahil sabi ko nga, “The process is self-consuming… dahil bago pa man mabigyan ng kulay ang mundo niyo, napaglalaruan muna ang damdamin naming manunulat.”

Ang isang manunulat ay guguhit ng istorya na malapit sa puso niya. Kasabay nito ay ang pagbibigay ng sarili sa mundong siya mismo ang lumikha. May mga kabanatang dadalhin ang mga mambabasa, tagapakinig, o manonood sa katumbas na pakiramdam kung paano nga ba ang umibig. Mayroon din namang kabanatang ipaparamdam sa kanila nang paulit-ulit ang sakit ng bawat pagkabigo. Higit sa lahat, bago ihain ang mga emosyong ito sa iba, nabugbog muna ng tamis at pait at pinaghalong timpla ang kung sino ba ang gumawa ng teksto. Sino ba ang unang nakaranas nito?

Akala ko noon ang pagsusulat ay napakalaya… tipong patuloy lang akong magbubukas ng pinto sa napakalawak kong imahinasyon na lalong nagpapaliit sa mundong ginagalawan ko. Ang pagsusulat pala ay isang sumpa. Kagaya ngayon, hindi ko sigurado kung may patutunguhan ba itong paglalahad ko sa kung paano binabago ng pagsusulat ang pananaw ko sa buhay. Saan ako dadalhin? Hindi ko alam.

Sa kabila ng napakaraming tanong sa aking isipan na hindi ko matuldukan, akin muling bubuuin ang mga pirasong kung saan-saan ko natatagpuan. Palagi ko pa rin tatanggapin ang mga bagong kwentong dapat maibahagi naman sa iba sa pamamagitan ng aking pagsasalarawan. Eh ano kung masaktan.

Eh ano naman kung hindi pala tayo.

Categories: Uncategorized | Tags: , , , , , , , , , , , , , , , , , , | Leave a comment

Create a free website or blog at WordPress.com.